[EDITORIAL] Saan pupunta ang basura kapag wala nang basurero? Sa feed mo
Ano ba ang fact-checkers? Sa totoo lang, basurero sila.
Sabi ng Rappler tech writer na si Victor Barreiro Jr: “As a job, the act of fact-checking is wading through the muck of human reality to try and make sure people aren’t poisoned and drowning in it.” BASAHIN [Tech Thoughts] Fact checkers wade through the muck so you don’t drown in it
Kung walang fact-checkers, lahat ng scam, kasinungalingan, at pambabaluktot ay parang basurang aanurin ng baha sa loob ng tahanan mo.
Ito pa ang isang analogy. Parang filter ang mga fact-checkers bago makarating sa ’yo ang content — kung walang filtering plant na maglilinis ng tubig bago dumaloy sa mga tubo, imburnal ang tutulo sa gripo mo.
Ang susunod na tanong: papayag ka bang mawala ang mga filter, ang mga safeguard, sa buhay mo? Hindi di ba?
Pero ‘yan ang pinalulunok sa atin ni Meta CEO Mark Zuckerberg — matapos niyang yumaman sa platform na namamayagpag dahil sa pag-patronize ng bilyon-bilyong tao sa planeta — tatanggalin niya ang filter, ang safeguards, ang pulis ng harmful content.
Banta sa katinuan ng bilyon-bilyong Facebook at Instagram users ang isang distorted reality na kumunoy ng kasinungalingan, kababawan, inggit, at poot. Kumunoy — dahil habang tumitikim ka sa inihahain sa feed ng Facebook at Instagram ng mga nakakakiliti, nakakaintriga, nakakainggit, at nakagagalit na content — lalo mong hahanap-hanapin ang dopamine high na dala ng mga emosyon na ito. (BASAHIN: In social media’s battle for our attention, real connection becomes the casualty)
Hindi eksaherado ang panganib ng disinpormasyon. Noong 2022, nag-release ng report ang Amnesty International na inamplify ng algorithms ng Meta ang content na nagtulak ng karahasan, poot, at diskriminasyon laban sa Rohingya. Ibig sabihin, naging kasangkapan ang Facebook sa genocide.
At kung tinangay ka ng agos at kasama ka na sa nagtatatalak, nangraratrat, nangungutya, at gandang-ganda sa sarili sa Facebook, Instagram, at Messenger, bahagi ka na ng sistema ng “disinformatsia” na endemic virus na sa Meta. Ito ang sistema ng paggantimpala sa poot, takot, at kasinungalingan — at ito’y nakakaadik. (BASAHIN: When Big Tech rewards the worst of who we are, what can you do?)
Balikan natin ang taong nagmamay-ari ng Meta, si Zuckerberg. Humarap siya sa buong mundo suot ang US$900,000 relo, at sinabing ititigil na niya ang fact-checking program sa Estados Unidos dahil “censorship” daw ito. Finact-check siya ng International Fact-Checking Network.
Sabi ng CEO at Nobel Peace laureate na si Maria Ressa, “pinaprioritize ni Mark Zuckerberg ang profit ng Facebook/Meta, kapalit ng safety ng mga tao sa mga plataporma niya.”
Sabi naman ng Rappler, ito’y “opportunistic,” “and puts people’s health, well-being, and safety at risk.”
Sabi naman ng mga political analyst, pinaprioritize ni Zuckerberg ang pagsipsip sa papasok na presidente ng US na si Donald Trump. Tila nainggit ‘ata si Zuck kay Elon Musk ng X na buddy-buddy na si Trump matapos suportahan ito sa nakaraang eleksiyon.
Sabi ng Cambridge Analytica whistleblower na si Christopher Wylie, kung simpleng toaster nga, may makapal na libro ng regulasyon galing sa gobyerno at mga eksperto — bakit hindi nire-regulate ang mga plataporma na oxygen para sa mga bagong henerasyon?
At takot sa regulasyon si Zuckerberg at Musk dahil nangangahulugan ito ng pagliit ng profit o kita. Ayaw nilang mangyari ang regulation ng social media platforms na nangyari sa Canada, Australia, at European Union.
Panahon nang seryoso nating suriin ang social media habits natin. There is life after Facebook, Instagram, and X. Kung hindi mo kayang mag-quit na cold turkey, here are some tips: How to protect your mental health from toxic social media.
May mga safe space tayong puwedeng puntahan, malayo pang mas makabuluhan ang diskurso. Isa diyan ang Rappler Communities App. Sabi ni Ressa sa pagbubuo ng App, “It’s time to build our shared reality and redefine civic engagement, to restore trust.” – Rappler.com