[EDITORIAL] More smoke and mirrors from Sara Duterte
Akala namin wala nang tatalo sa comment ni Sara Duterte na minsa’y nagkaroon siya ng impulse na pugutan ng ulo si Presidente Ferdinand Marcos Jr.
Ngayon, sabi niya sa isang blogger: “May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke.”
Sabi nga ng Pastilan author at Mindanao coordinator ng Rappler, “classic misdirection” daw ito. Mas nakaka-uga, mas epektibo.
Ano ang nais i-misdirect sa smoke-and-mirrors act na ito? Ito ang intelligence and confidential funds ng Department of Education:
- Pagsumite ng fabricated acknowledgment receipts (ARs) ng DepEd sa Commission on Audit (COA). Gumamit ng identical ink, at magkakapareho ang handwriting sa mga AR na sinumite ng OVP sa COA.
- Nakapirma sa mga resibo ang isang Mary Grace Piattos. Sabi ni Manila Representative Joel Chua na chair ng House committee on good government and public accountability, isa lang ito sa mga nakatatawa at nakadududang signatory sa 158 acknowledgment receipts ng OVP na may kinalaman sa confi funds. Tanong niya, “Is this a legitimate person?”
Isang komento sa YouTube page ng Rappler ang nakatawag-pansin sa amin: “Sarakut.” Portmanteu ito ng “Sara kurakot.”
Kung babalikan natin ang kasaysayan ng Pilipinas, mahal na mahal ng masang Pilipino si dating pangulong Joseph Estrada, pero kahit si Erap, mabilis na tinalikuran ng taumbayan nang pumutok ang mga plunder case laban sa kanya kung saan sinabing tumanggap siya ng P545 million mula sa proceeds ng jueteng.
Ganoon din si Gloria Arroyo — na darling of the masses dahil kamukha raw ni Nora Aunor — nawala ang amor sa kanya ng tao nang nadawit sa NBN-ZTE corruption scandal.
Ang mga komento tulad ng “Sara kurakot” ang mismong iniiwasan ni VP Sara.
In classic Rodrigo Duterte at Donald Trump style, eto na naman si Sara sa shock and awe. May analysts sa Rappler na nagsasabing puwedeng tingnan na calculated risk pa rin ito sa panig ni Sara. Pinatunayan naman ni Digong at ni Trump na insanity works.
At hindi naman para sa urbanized middle and upper class ang antics niya — para ito sa 32.2 milyon na bumoto sa kanya nitong nakaraang eleksiyon.
At muli’t-muli, hinuhulma ni Sara ang imahe niya na antithesis ni Marcos. At siyempre, ang daming sablay ni Marcos lalo na sa larangan ng ekonomiya na maaaring dumikit ang mga tirada ni Sara.
Emphasis on “maaari.” Puwede rin kasing marindi na ang taumbayan bago mag-2028 at magmistulang Jejomar Binay si Sara. Tulad ni Sara, naging VP din si Binay. Inaraw-araw siya ng hearings sa umano’y maanomalyang konstruksiyon ng Makati City Hall Parking Building. And the rest is electoral history — mula sa pagiging sure-ball na kandidato, nakapanlulumo ang mga numero niyang nakuha noong 2016 elections.
Kaya sana alam ni VP Sara na may hangganan ang gulatan. Tulad ng kanyang ama na pinagsawaan ng madla ang midnight rants, magsasawa rin ang tao sa mga pasabog niya.
At hopefully, babalik na sa center stage ang isyu na may kinalaman sa integridad niya bilang public servant: ang misuse ng confidential funds. – Rappler.com