[ANALYSIS] Delikado ang kasaysayan. Teachers at historians, assemble!
“Kung sa Duterte presidency, ang pangunahing isyu ay karapatang pantao, sa Marcos presidency iyon ay ang katotohanan.”
Ganyan ang sinabi sa Ingles ni Rappler managing editor Chay Hofileña para sa isang article ng New Yorker kamakailan.
At isang aspekto ng katotohanan na namimiligro sa susunod na Marcos administration ay ang kasaysayan.
Halimbawa, may mga pangambang ititigil ng paparating na Marcos administration ang commemoration ng EDSA People Power anniversary tuwing February 25.
Nangangamba rin ang ilan na baka buwagin ang ilang mga pook na nagpapaalala sa atin sa People Power Revolution, tulad ng People Power Monument sa EDSA ang at Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue.
Maugong din ang posibilidad na buwagin ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na humahabol sa nakaw na yaman ng mga Marcos. So far, nabawi na nila ang mahigit P174 bilyon, at hinahabol pa ang P126 bilyon.
Ultimong mga libro ay nanganganib din. Noong nag-announce ang Adarna House ng 20% discount para sa children’s books nito hinggil sa Batas Militar, dali-dali silang ni-red-tag ng NTF-ELCAC. Diyos ko.
Ngunit isa sa pinaka-disturbing na development ay ang nakaambang pagtatalaga kay presumptive vice president Sara Duterte bilang susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd).
Mali ito on so many levels.
Unang-una, educator dapat ang mamuno sa DepEd. Obviously, si Sara Duterte ay hindi isang educator.
Pangalawa, tandaang matagal nang may agenda si Marcos Jr. na baguhin ang textbooks upang pabanguhin ang pagtingin ng kasaysayan sa kanyang pamilya at sa legasiya ng kanyang amang diktador.
Noong 2020, sinabi ni Marcos Jr. sa isang forum na pawang kasinungalingan daw ang nakasaad sa mga textbook. Wala naman daw napatunayan ang mga korte hinggil sa sinasabing nakaw na yaman ng kanyang mga magulang. Pawang “political propaganda” raw ang ipinupukol sa kanyang pamilya.
Sa katunayan, maraming desisyon ang Korte Suprema at Sandiganbayan na nagpapatunay sa korapsiyon ng mga Marcos at kanilang cronies. At Kongreso mismo ang nagpasa ng isang batas (Republic Act No. 10368) na nagsasabing responsable ang rehimeng Marcos sa kaliwa’t kanang pang-aabuso noong Batas Militar.
Pero sa totoo lang, bakit concerned si Marcos Jr. sa mga textbook kung pangit naman ang karamihan noon to begin with?
Ayon sa isang bagong pag-aaral ng FEU Public Policy Center, lumalabas na maraming textbooks sa Grade 5 at 6 hinggil sa kasaysayan ng Pilipinas ang kakaunti lang ang sinasabi hinggil sa Batas Militar.
Kung nababanggit man ang Batas Militar, naglalaman ang mga librong iyon ng mga maling impormasyon, tulad ng ideya na “golden age” daw ng ating ekonomiya ang panahong iyon. (BASAHIN: Babangon muli? Mga Marcos ang nagpadapa sa ekonomiya at bansa)
May mali rin sa paraan ng pagtuturo ng Batas Militar. Ayon sa FEU Public Policy Center, mas may emphasis sa memorization ng mga petsa, pangalan, at lugar, sa halip na i-develop ang critical thinking ng mga bata.
Ganito rin ang karanasan ng mga natanong ko sa social media.
Sabi ni @key_eye sa Twitter, “It was like 1 page. More on dates and description of [a] lot of people on EDSA- I don’t think we discussed the WHY. Pagdating ng exam: Date lang and what does EDSA mean ????”
Para sa iba, natuto sila hinggil sa Batas Militar hindi dahil as textbooks kundi sa sariling research at kayod.
Ayon kay @SlayerNgJupal, “I agree, it’s sugar coated, the Marcoses were not painted in a way they should be. I only learned more through my own research, watching docus, supplementary readings and the likes, all outside the academic curriculum. It’s not taught in schools the way it should be.”
To be fair, marami rin namang nagsabi na masuwerte silang nagkaroon ng magagaling na Araling Panlipunan teachers.
Namulat ang marami sa panonood ng documentaries at mga pelikula tulad ng “Batas Militar” (1997), na by the way, ay mapapanood ngayon nang buo at libre sa YouTube. (Namulat din ako ng docu na iyon, pero noong college na.) ’Yung ibang guro naman, may simulations o reenactments ng Batas Militar sa mga klase nila.
Ang problema, hindi pantay-pantay ang quality ng pagtuturo tungkol ng Batas Militar sa ating basic education system. Hit or miss, kumbaga.
Bukod sa textbooks at paraan ng pagtuturo, may mga problema rin hinggil sa curricula ng DepEd.
Halimbawa, simula 2014 ay tinanggal ang Philippine history sa junior high school dulot ng K-12 Basic Education Reform ng nakaraang Aquino administration. (Medyo ironic, ano?) Ngayon, tinatalakay ang Philippine history sa Grade 5 o 6, pero wala nang follow-up sa high school tulad ng dati.
Ang susunod na exposure ng mga bata sa Philippine history ay sa college na. Kaya naman walang pagkakataon upang i-reinforce ang lessons ng ating kasaysayan (kasama na ang Batas Militar) sa mga taon sa pagitan.
Dahil dito, may mga grupo ng educators at historians na nananawagang ibalik ang Philippine history sa junior high school. Sa isang Change.org petition, at least 63,694 na tao ang nakapirma.
Masyado ring compressed at congested ang Philippine history sa Grade 5 o 6.
Sa Grade 6, halimbawa, uunahing talakayin sa 1st grading period ang geography ng Pilipinas. Sa 2nd grading period, American colonial period at World War II. Sa 3rd grading period, ang panahon mula 1946 hanggang sa unang termino ni Marcos at bago ang Batas Militar.
Sa 4th grading period, saka pa lang tatalakayin ang Batas Militar. Ngunit iilang linggo lang ang puwedeng ilaan ng mga guro para sa Batas Militar, dahil by then nagmamadali na silang talakayin ang lahat ng nangyari mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Klarong-klaro na kailangang repasuhin ang ating basic education system – at ang pagtuturo ng Philippine history – upang mas maunawaan ng kabataan ang “essential truths” hinggil sa Batas Militar.
Ngunit tulad ng finger snap ni Thanos na nagdulot ng pagkawala ng ilang Avengers nang parang abo, ang pagtatalaga kay Sara Duterte bilang DepEd secretary ay malamang magdudulot ng pag-disappear ng mga katotohanan hinggil sa Batas Militar sa ating mga eskuwelahan at sa isip ng kabataang Pilipino.
Kung tutuusin, ni hindi na nga nila ito kailangang gawin. Babad na sa YouTube at TikTok ang kabataan ngayon, kung saan mas may chance pa silang ma-encounter ang samut-saring disinformation hinggil sa ating kasaysayan. Sino bang nagbabasa ng mga libro these days?
At any rate, ang mga susunod na taon ay magiging malaking hamon para sa teachers at historians. Ngayon pa lang, mahigit 1,200 sa kanila ang pumirma sa isang “Manifesto in Defense of Historical Truth and Academic Freedom.”
Pero bukod sa pagtutok sa mga magiging polisiya ng DepEd, kailangan ding humanap ng teachers at historians ng mga bagong paraan upang mas epektibong maituro sa kabataan ang kasaysayan ng Batas Militar – mga paraang dapat sana’y cool, fun, at relatable.
Nagtitipon na ang mga kalaban ng katotohanan, at nagsimula na ang endgame para sa kasaysayan. Teachers and historians, assemble! – Rappler.com
JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).